CHAPTER ONE: The Act

NAG-ANGAT NG tingin sa `kin si Clifford nang sandaling pumasok ako sa church. Sa kabila ng manipis na usok at telang nakatabing sa mukha ko, malinaw kong nakikita ang paghanga sa mga mata niya. Pero agad `yong napalitan nang malamig na tingin nang magsalubong ang mga mata namin. Kung kanina ay kinakabahan akong magkamali sa palabas naming ito, ngayon ay kinakabahan na ako sa mga titig niya.

Breathe…you need to breathe…you can do this. 

Lalo pa nang sandaling ilahad ng step-father ko ang kamay ko sa kaniya. Ilang segundong napako sa `kin ang paningin niya. Ngunit awtomatikong inalis `yon nang mahigitan ng pag-iyak ng mommy niya ang singer na kumakanta ng theme song namin sa kasal. 

Hindi na naulit `yon nang magsimula ang ceremony. Tutok siya sa harapan at ako naman ang panay ang lingon. Nakita ko na ang black Giorgio Armani tuxedo niya bago pa ang kasal. Hindi ko akalaing lalo siyang guguwapo kapag naisuot `yon. Now I’m curious if I look good in my wedding dress na pareho naming pinili bago ang kasal. He’s so intimidating, it makes me nervous.

Sa lalim ng pag-iisip ko, hindi ko na namalayan ang seremonyas. Muntik pa akong magkamali nang humarap si Clifford sa `kin at hawakan ang pareho kong kamay habang deretsong nakatingin sa `kin. Sa taas ng heels ko, halos maabutan ko ang height niya. Eksakto lang ang labi niya sa aking noo kapag nakalapat sa lupa ang mga paa ko.

Nakinig kaming pareho sa nagkakasal habang nakatingin sa isa’t isa. Praktisado namin `to, na kahit lutang ako, alam ko ang lahat ng gagawin. Pero ngayong nasa `kin ang buong atensyon, lalo na ang paningin niya, parang wala akong matandaan sa mga `yon. Nanghihina ang mga tuhod ko sa kaba at ilang, kaya nang hindi ko na matagalan ay sandali akong pumikit. Pinagsisihan ko `yon dahil ang malamig niya nang tingin ang nasalubong ko nang muling magmulat. 

  Nagpalitan kami ng wedding vows, wedding rings at I do nang nanginginig ang mga kamay, tuhod at boses ko. Nangilid ang luha ko sa kaba, sa halip na sa pakiramdam na ikasal sa lalaking totoo kong minamahal. It’s obvious that I’m nervous, pero malayo `yon sa natural na reaksyon ng babaeng kinakasal. Napakahusay niyang actor dahil nagagawa niya `kong dalahin para mapaniwala ang lahat ng saksi sa kasal namin. 

“You may now kiss your bride.”

`Ayun na ang hudyat na hinihintay ko. Pero hindi dahil sa excitement kundi sa takot na magkamali ako. Sa dami ng na-practice namin, hindi `to kasama. Sino naman ang nagpapanggap na isasama ang wedding kiss sa palabas nila? `Buti pa nga sa pelikula, napa-practice `yon. Sa palabas namin, on the spot naming gagawin.

Inalis ni Clifford ang nakatabing na tela sa mukha ko at nangunot ang noo matapos suyurin ng tingin ang kabuuan ng mukha ko. Pero hindi ko inaasahang matutunaw ang lahat ng kaba ko nang ngumiti siya sa unang pagkakataon. 

“Clifford…” wala sa sariling nasambit ko.

Ngunit halik niya ang natanggap kong sagot. Awtomatiko akong napapikit nang sandaling magdikit ang mga labi namin. Kung sa practice ay sinabi niyang hawakan ko ang dibdib niya at isabit sa kaniyang leeg ang isa ko pang braso kapag `yon na ang gagawin. Ngayon ay nalukot ko ang kwelyo ng kanyang tuxedo nang maramdaman sa unang pagkakataon ang mahalikan. 

Kung no’ng mga nakaraan ay ramdam ko ang imaginary boundary na inilagay niya sa pagitan namin. Ngayon ay inangkin niya maging ang sariling space ko.

Sigurado akong iyon ang unang beses na nahalikan at humalik ako ng lalaki. Pero sa paraan ng pakikipagpalitan ko ng dampi sa labi, para bang alam ko rin ang ginagawa. Hindi ko alam kung paanong nangyari `yon.

Marahan niyang pinaghiwalay ang mga labi namin. Sandali akong naiwang nakapikit bago muling nasalubong ang paningin niya. Nanibago ako, hindi ko mabasa ro’n ang coldness niya. 

“You’re blushing…” halos bulong niya, walang reaksyon bukod sa matalim niyang mga mata.

Parang lalong nag-init ang pisngi ko. Nahawakan ko ang mukha ko at awtomatikong humarap sa mga bisita para maiwasan siya. 

“Good job,” dagdag niya. 

Sandali akong natigilan, hindi ko siya tiningnan. Napabuntong-hininga na lang ako nang maisip na `yong pamumula ko ang pinuri niya. Ang hibang na lalaking `to, wala yatang ideya sa epekto niya sa babaeng gaya ko. Talagang inisip niyang parte `yon ng arte ko. 

“We’re married,” ani Clifford na ipinakita pa sa pamilya ang kamay niyang may singsing. Napalingon ako at natulala nang masalubong muli ang tingin niya. Umawang ang labi ko nang ngumiti siya at nagpapasalamat na siya ang unang umiwas. 

“We’re married,” panggagaya ko para hindi naman mahalata na natutuliro na ako.

Gano’n ang pakiramdam at kilos ko hanggang sa reception. Madalas akong mahuli ni Clifford na nakatitig lang sa kaniya kahit pa kaliwa’t kanan na ang bumabati at kumakausap sa `kin. Kailan ba `ko maniniwalang kinasal ako sa lalaking `to? Parang kailan lang nang pumayag akong ipagkasundo sa kaniya. Parang kailan lang, pinagpaplanuhan namin ang pakikiharap sa mga manonood ng palabas naming dalawa. Parang kailan lang nang magdesisyon akong matali sa lalaking wala ako ni katiting na nararamdaman at hindi ko lubusang kilala. Pero `eto at magkahawak-kamay kaming humaharap sa mga taong naniniwalang mahal namin ang isa’t isa at pang-habang-buhay kaming magsasama. 

“You really look good together.” Sandali akong natulala nang batiin kami ng male singer, isa sa mga kumanta kanina. We’ve already met twice, pero ngayon ko lang siya nalapitan nang ganito. 

“Thank you, Iñigo.” Nakipagkamay si Clifford dito.

Tumingin si Iñigo sa `kin at ngumiti saka bumaling kay Clifford. “You look so in love, I’m envious.”

Hindi ko inaasahang hahapitin palapit ni Clifford ang bewang ko, halos tumalbog ako sa tagiliran niya sa pagkabigla.

“How could I not fall in love with my wife?” Inilapit ni Clifford ang labi sa pandinig ko bago tapusin ang linyang `yon. Nagtindigan ang mga balahibo ko at hindi inaasahang masasalubong ang tingin niya. Hindi ko nagawang mag-iwas agad ng tingin. “She’s so beautiful…I couldn’t ask for more.” Dinampian niya ng halik ang gilid ng labi ko. 

“Now I’m jealous,” ngumiwi si Iñigo. “How did you know she’s the one?” lumingon siya sa `kin, sinuko ang parehong kamay. “Please don’t get me wrong, I just don’t want another relationshit.”  

“You’ll surely know. Because when you found the one, you’ll automatically put more effort to literally everything.” Sinagot ni Clifford `yon nang nakatingin at nakangiti sa `kin, gusto ko siyang bigyan ng award. “I know because she made do that. She makes me want to work on my flaws, and be the best possible version of myself.”

May inggit na humalakhak si Iñigo. Pero hindi ko na nasaksihan `yon dahil hindi ko nagawang alisin agad ang paningin kay Clifford. Gusto kong humanga sa husay niyang umarte. Parang ibang tao ang kaharap ko sa t’wing umaarte siya. Napakalayo sa Clifford Apollo Litton na kakontrata ko. Sa t’wing kaming dalawa lang, giniginaw ako sa lamig ng tingin at pakikitungo niya. Pero kapag ganitong nasa amin ang paningin ng lahat, parang mas mabuting maging aktor siya kaysa businessman.

Hindi binitiwan ni Clifford ang kamay ko buong maghapon. Mula nang matapos ang kasal hanggang sa matapos ang reception, halos mamanhid ang mga kamay namin sa higpit ng hawak sa isa’t isa. Consistent din ang pagiging sweet at territorial niya. Kung dumikit siya sa `kin at kung hapitin niya ang bewang ko papalapit sa kaniya, para bang maaagaw ako sa simpleng pagbati at pakikipag-usap sa mga bisita. 

Ilang beses din niya akong hinalikan nang hindi ko inaasahan. Hindi lang sa pisngi kundi paulit-ulit din sa labi. Halik na malayo sa una niyang ginawa kaya pakiramdam ko iba’t ibang uri ng halik ang natutunan ko sa loob ng isang araw. Siya lang ang nagturo. 

Natuon lang sa kaniya ang atensyon ko. Kaya naman hindi ko napapansin ang karamihan sa mga nakakasalamuha namin. Sa lahat kasi ng sandali, paulit-ulit akong nagugulat sa mga ginagawa niya. Wala ang mga `yon sa na-practice namin. Napakahusay niya talagang umarte, wala akong masabi.

“Enjoy your first night together, congratulations!”nanunuksong ani Iñigo nang ihatid kami ng lahat palabas ng reception kung saan naghihintay ang limo ni Clifford. 

Magkahawak pa rin ang kamay namin at doon lang nakatuon ang atensyon ko. Tuliro tuloy akong kumaway at ngumiti sa lahat ng naghatid sa `min.

Pinagbukas ako ng pinto ni Clifford. Akma na `kong sasakay nang hapitin niyang muli ang bewang ko dahilan para gulat kong salubungin ang ngiti niya. Umawang ang labi ko nang titigan niya `ko nang may paghanga mula sa mga mata ko, pababa sa aking labi.

“I love you,” mahinang aniya saka dinampian ng halik ang labi ko.

Nakamulat ako sa unang sandali dahil sa gulat. Pero nang maramdaman ang lambot ng kaniyang labi ay muli akong napapikit at ninamnam ang pakiramdam at sandali.

Naghiyawan ang lahat ng nakakita kaya awtomatikong nabura ang gumugulo sa isipan at pakiramam ko. Parte pa rin ng palabas `to kaya hindi dapat ako magpadala. Sa halip, kailangang maging mahusay rin ako sa pag-arte na gaya niya.

Habol ko ang hininga nang bitiwan ni Clifford ang labi ko. Sandali kaming napatitig sa isa’t isa, `ayun na naman ang malamig na titig niya. Siya ang unang nag-iwas ng tingin at nakangiting hinarap ang mga nakatingin na noon ay nagpapalakpakan na. 

“Careful,” inalalayan niya ako papasok ng sasakyan saka siya sumakay sa tabi ko. “Drive us home,” aniya sa driver at saka pinakawalan ang malalim na buntong-hininga. Na sa sobrang lalim, para bang maghapon `yong naipon sa dibdib niya.

Awtomatiko kong naramdaman ang pader na binuo niya sa pagitan naming dalawa. Kung kanina ay halos maghalo ang balat namin sa sobrang pagkakadikit, ngayon para bang dipa-dipa ang layo niya gayong abot-kamay naman siya.  Halos masaulo ko ang tunog ng boses niya kanina, nahigitan ng katahimikan ngayon ang iba pang ingay. Natutulala ako sa tunog ng tawa at kaniyang itsura sa maghapon, ngayon, hindi na siya lumingon pa sa gawi ko dahil nakatuon lang sa labas ng sasakyan ang paningin niya. 

Gano’n kalamig si Clifford. Kaya mas nagugulat ako sa husay niyang umarte. Dahil sa ganitong personality ko siya nakilala. Kahit sino, hindi maiisip na kaya niyang iarte lahat ng ginawa niya kanina.

“GOOD MORNING, Sir Apollo. Nakahanda na po ang sasakyan. Si Leon ang magmamaneho sa inyo,” dinig kong sabi ni Loida, ang maid. 

Nakabukas ang pinto ng kwarto ko habang naghihintay kaya naririnig ko lahat maging ang kaunting ingay mula sa kwarto ni Clifford. Alas-siete y media ang breakfast kasama ang family niya. Maaga ako ng kalahating oras. Bukod sa hindi na ako nakatulog kagabi, natatakot akong ma-late kaya maaga akong nag-ready.

Isa sa mga ayaw ni Clifford, `yong late. Mabuti nang maaga dahil ayaw kong magalit siya. Hindi ko malilimutan `yong isang beses na nahuli ako sa practice date namin, hindi niya ako inimik sa buong oras na magkasama kami. Nagawa naming mag-date nang hindi nag-uusap. Siya lang ang may kakayahang gumawa no’n.

Kung kinasal kaya ako sa lalaking gusto at mahal ko, magigising din kaya ako nang ganito kaaga? Posible. Kasi gugustuhin kong ipaghanda siya ng breakfast bukod sa gusto kong makita ang mukha niya pagmulat ko. Hindi tulad ngayon na walang kasimbigat ang pagbangon. Hindi ko alam kung paano kong matatagalan ang ganito. 

Kahit pa sinabi ni Clifford na pwede kong gawin ang lahat ng gusto ko, maliban sa pumasok sa kwarto niya at sumabay sa kaniyang kumain, hindi ako makakilos. I’m no comfortable here, no matter how huge this place is. Parang buong mansyon, maginaw, tahimik at madilim. Hindi ko maramdaman o makita ang kabaliktaran. Nakakasakal. Hindi ko alam kung paanong natatagalan ng helpers. 

Sinuot ko ang peach ruffled dress kapares ng three-inches beige nude toe heels na niregalo ng mommy ni Clifford. Hinayaan kong nakalugay ang lampas bewang, pantay at bagsak kong buhok, at para hindi magmukhang maputla, naglagay ako ng kaunting lip tint. Nag-spray ako ng perfume sa magkabilang wrist ko at dinampi `yon sa likod ng magkabilang leeg ko. 

Alam kong hindi lang ang first degree family members ni Clifford ang darating ngayon. Inaasahan kong pupunta rin doon ang relatives niyang hindi naka-attend sa kasal, maging `yong mga hindi imbitado.

Nag-angat ako ng tingin nang may kumatok sa pinto. “We’re leaving,” anang tinig ni Clifford, hindi man lang nag-abalang tawagin ako sa pangalan. Hindi ko siya nakikita mula sa pwesto ko. Hindi rin siya pumasok.

Sa ilang buwan naming magkakilala, bilang lang sa daliri kung ilang beses niyang tinawag ang pangalan ko. Madalas ay nararamdaman ko na lang na ako ang kausap niya. 

“I said, we’re leaving,” kumatok ulit niya nang walang makuhang sagot sa `kin. Na para bang alam niyang nakaupo lang ako gayong hindi niya `ko nakikita. 

Tumayo ako at saka lumapit sa pinto. Nasalubong ko ang malamig niyang tingin, agad din niyang inalis at pinangunahan ako sa hallway. Nakasunod lang ako sa kaniyang likuran at sinisikap na kumilos nang pino at tahimik. 

Mabuti na lang talaga na ito ang sinuot ko. Lalo siyang nagmukhang matangkad sa navy blue pinstripe suit. Sa isang dipang distansya namin, nalalanghap ko ang perfume niya, lalaking-lalaki. Katamtaman ang amoy pero parang hindi ko na yata malilimutan. 

Hanggang ngayon, hindi ako makapaniwalang kinasal ako sa lalaking `to. Sa t’wing ganito ang kaniyang ayos, lalo kong kinukwestyon kung dapat bang makasal siya sa tulad ko. Pakiramdam ko, wala ako sa kalingkingan ng babaeng nagustuhan niya kahit pa wala akong nakilala sa kanila. `Sabagay, bakit pa ba ako nagtataka? Napakagwapo niya, na kahit kasungitan ay hindi maipipintas dahil mas pinalalakas pa no’n ang dating niya.

I’m sure, kaya ganito ang treatment niya sa `kin, sobrang cold, dahil hindi niya talaga ako gusto. Kailangan niya lang talagang gawin `to, kailangan niyang magpakasal at nagkataon na ako lang `yong available. Dahil kung merong mas maganda, siguradong `yon ang pipiliin niya. 

Pero bakit ba iniisip ko pa `yon? Gayong alam ko ang dahilan kung bakit nasa ganitong sitwasyon kaming pareho. 

Pinagbuksan ako ng pinto ni Leon nang makalabas kami. Nag-aalinlangan kong nilingon si Clifford. “Sasabay ako sa sasakyan mo?” It was too late for me to realize how stupid it is to ask such question.

Napabuntong-hininga si Clifford. “Wouldn’t it be weird if we come in a different ride?”

    Umawang ang labi ko. “Okay.” Nginitian ko si Leon at saka sumakay. 

Alam lahat ng helpers at drivers ni Clifford ang totoo. Na nagsasama lang kami bilang kasal sa papel, wala na bukod do’n. Nabanggit niyang matagal nang nagtatrabaho sa kaniya ang limang tauhan sa mansion niya. Naiintindihan kong pahihirapan lang namin ang isa’t isa kung ililihim pa namin ito sa kanila. Gumawa siya ng kasunduan na pinapirmahan sa mga `to. Pero kung ako ang tatanungin, mukhang hindi niya na kailangang gawin `yon dahil mababait ang tauhan niya. 

Itinutok ko lang sa daan ang paningin ko. Ayaw kong gumawa ng kahit anong kilos na ikasasama ng mood ni Clifford. Isa sa mga ayaw niya ang distractions. Tutok siya sa iPad at siguradong trabaho na naman ang inaatupag. Hindi ako pwedeng gumawa ng ingay o kung ano mang aagaw sa atensyon niya. Swabe magmaneho si Leon, bukod sa maayos ang kalsada at walang traffic.

You’re blushing…

Napapikit ako nang muling umugong sa pandinig ko ang sinabi ni Clifford matapos naming halikan ang isa’t isa no’ng kasal. First time `yon at alam kong walang ibang paraan kung hindi gawin nang totoo. Pero hanggang ngayon ay nahihiya ako dahil nakita niyang namula ako. Sino’ng hindi mamumula? Sa itsura at makalaglag-pangang dating niya, kung hindi ko marahil napigilan ang sarili ko ay baka nangisay pa `ko.

“Marée Dominique, hija,” si Tita Cassandra, mommy ni Clifford, ang sumalubong sa `min nang makarating sa venue. “You look stunning, hija.” Lumapit siya at hinalikan ako sa pisngi. 

“Thank you, mommy,” tugon ko, iyon ang gusto niyang itawag ko sa kaniya.

“Sinabi ko na nga ba’t babagay sa `yo ang dress na `yan. I’m glad you liked it.”

“Thank you ulit, mommy. You look good too.”

Minsan pang hinagod ni Tita Cassandra ang likuran ko bago lumapit sa anak. “My handsome boy, Apollo.”Palibhasa’y parehong matangkad, hindi nahirapan si tita na bumeso sa pisngi ng anak. “Let’s go inside.”

Iyon ang unang beses ko sa Litton’s Charcuterie, siyang pinakasikat na restaurant ngayon sa buong La Isla Merseille. Nasa harap iyon ng dagat, malaki ang space at nakaka-relax. 

Ang huling dinig ko, pinipilahan ang lugar sa dami ng gustong kumain dito. Bukod sa may isang kilalang tourist vlogger na nag-post tungkol sa experience niya sa dining na siyang dumagdag sa kasikatan ng restaurant.

May naka-ready nang breakfast buffet sa mahabang mesa kung saan ko natanawan si Tito Alexandre, daddy ni Clifford. Nakikipagtawanan ito sa mga kasama sa mesa, mga napapamilyaran kong relatives nila. Karamihan sa naro’n ngayon ay no’ng kasal ko lang nakilala. `Yong iba naman, ngayon ko lang nakita.

Ang tatlo pang kapatid ni Clifford ay nasa wine counter, magkakausap habang tumutungga ng wine. They all look perfect. Parang wala akong maipipintas sa pamilya at itsura ng mga ito. Naghahabulan sa ganda at kagwapuhan.

“Everyone, Apollo and his wife are here,” anunsyo ni Tita Cassandra. Lumingon ang lahat sa gawi namin. 

“Good morning, everyone,” malamig na bati ni Clifford saka pinadausdos ang braso sa likuran, hanggang bewang ko. Simula na naman ng palabas niya. 

Naestatwa ako sa pakiramdam ngunit napilitang ngumiti dahil nasa akin na ang paningin ng lahat. I had no boyfriend since birth, kaya bago lahat sa `kin ang mga nangyayari ngayon. Pero dahil may nakakakita sa `min, kailangan uling magpanggap.

“Marée Dominique!” tili ni Clementine, bunsong anak ng mga Litton. 

She’s a fresh graduate of arts and fashion designing. She came all the way from Italy bago ang kasal namin ng kuya niya. I admire her dahil desidido siyang gumawa ng sariling pangalan nang hindi kinakailangan ng anino ng mga kuya at magulang niya. 

“You are so damn pretty, Marée Dominique!” dagdag niya. “I envy you!”

“Thank you,” ngumiti ako.

“Watch your words, Clementine Arrieth,” ani Tita Cassandra ngunit hindi ito pinansin ng nag-iisa niyang anak na babae.

“So, how was your first night?” kinikilig niyang bulong. Natigilan ako at napanlakihan siya ng mga mata. “Honestly, we were not expecting you, kasi alam naming mapupuyat kayo,” pilyang dagdag niya na sinundan pa ng nakakalokong tawa.

Napalingon ako kay Clifford nang tumikhim ito, nagtama ang paningin namin. Agad din akong umiwas nang makita ang malamig niyang reaksyon. Paano niya `yong napaninindigan? Para sa `kin ay napakahirap. Parang anumang oras ay magkakamali ako. 

“Have a seat,” anyaya ni Clementine, inakay ako sa tabi ng silya niya. “Kumusta ang kuya ko? Magkakapamangkin na ba ako? Ano ang ipapangalan mo?”

Hindi ko alam kung paanong sasagutin ang magkakasunod niyang tanong. Lalo kasi akong natuliro nang idikit ni Clifford ang silya niya sa akin at iyakap ang buong braso niya sa bewang ko. Napigil ko ang hininga nang marahang kunin ng mga daliri niya ang kamay ko. Nagkatinginan kami nang dahan-dahan niyang ipagkrus ang mga daliri namin. 

Ilang beses niya nang hinawakan ang kamay ko sa nagdaang mga buwan ng practice. Kahit pa palabas lang `yon, hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam. Para akong kinikiliti kahit alam kong hindi tamang maramdaman `yon. Nasasakop ng buong kamay niya ang sa `kin. Kahit hindi ko `yon pisilin, sigurado akong malambot ang kamay niya. Napapalunok naman ako sa t’wing mararamdaman ang bawat buto niya sa t’wing gagalaw ang kamay naming magkahawak. Lahat ng kilos niya, lalaking-lalaki. 

“Love birds,” buyo ni Clyde Adonis, siya ang pangatlo sa magkakapatid. He’s a famous architect. Ang totoo, siya ang nauna kong nakilala sa mga Litton. Madalas kasi siyang nafi-feature sa television dahil sa kaliwa’t kanang projects niyang pinupuri sa media. 

Kilala ang pamilya nila sa buong La Isla Mersielle. Hindi lang dahil sa yaman at pagiging successful kundi dahil sa kanilang mga itsura. Bukambibig ng mga kababaihan sa buong bayan ang pangalan ng mga lalaking Litton. Halos lahat naman ng binata ay interesado kay Clementine. Pero hindi ko akalaing mapapabilang ako sa pamilya nila. Sa ganitong sitwasyon pa.

“Let’s enjoy our breakfast, everyone,” ani Clinton Alexander.

Siya ang sumunod kay Clifford sa magkakapatid at may ari nitong restaurant. He also became a famous pastry chef nang ma-feature siya sa iba’t ibang TV shows, nationwide and worldwide. Sikat na sikat ngayon sa online business world ang pastries niya na may online sellers na sa iba’t ibang parte ng bansa. 

While Clifford Apollo is a property magnate. Unlike his two brothers na nagkalat sa internet at TV ang mukha, iilang pictures lang niya ang makikita, paulit-ulit at halos luma pa. Matunog ang pangalan niya pero hindi halos kilala ang buong pagkatao niya. Unless, business tycoon siguro na gaya niya. 

Hindi na `ko nagulat. Sa sungit niya, wala sigurong gugustuhing makilala siya. Dinig ko nga, madalas siyang tumanggi sa interviews, pictures o makipag-usap man lang.

Pero buong bansa, kahit walang kinalaman sa business, kilala ang luxury condominiums, hotels at real estates na pag-aari ni Clifford Apollo. He actually debuted on the global billionaires last year. Kaya hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwalang asawa ko siya. Kahit pa palabas lang. It’s just too good to be true. I mean, sobrang yaman na, sobrang gwapo pa, bibihira ang gano’n. 

Paano na lang kung sobrang bait pa? Tsk. Walang gano’n.

“A wonderful morning, everyone,” nangibabaw ang pamilyar na tinig ni Tita Milla, ang kapatid ng daddy ni Clifford. 

She was an actress, wala siyang pelikula o teleseryeng hindi tinangkilik sa bansa. Ilang beses ko na rin siyang na-meet bago pa kami ikasal ni Clifford. Habang nakikilala at nakikita ko siya, lalo kong nararamdamang hindi niya `ko gusto. Nasasabi ko `yon dahil sa talim ng titig at nakakalokong ngiti niya sa `kin.

“Good morning,” sumabay ako sa pagbati ng lahat sa kaniya.

Tumayo si Clinton at in-offer ang seat niya sa bagong dating na siya namang kaharap ko. Elegante ang bawat kilos ni Tita Milla kaya hindi ko maiwasang ma-intimidate. Lalo pa nang deretso siyang tumingin at ngumiti sa `kin.

“Marée Dominique, hija, it’s nice to see you again.”

“Nice to see you too, Tita Milla,” tugon ko.

“How’s everything?”

“Good, tita.” Naiilang talaga `ko.

“So, what do we have for breakfast?” nakangiting nilingon ni Tita Milla ang lahat saka awtomatikong sumabay na kumain nang ipag-serve siya ni Clinton. “Aside from our newlyweds?” nakangiti niya kaming tiningnan ni Clifford. 

“You should try pates and terrines, Milla,” si Clifford ang sumagot.

“How’s your first night together, Apollo?”

“We’re good.”

Nakangiting tumitig si Tita Milla sa pamangkin, saka iiling-iling na tumawa. Kinuha niya ang coffee cup at lumaghok do’n habang panay ang palitan ng tingin sa `min ni Clifford.

“Don’t tell me you’re planning to stay at home buong honeymoon?” dagdag ni Tita Milla, napigil ko ang hininga.

“Why not?” si Clifford pa rin ang sumagot, seryoso masyado. Panay lang ang ngiti ko nang masalubong ang tingin ni Tita Milla.

“Knowing you, you’re very adventurous, Apollo. Nature at traveling lang ang pahinga mo sa nakakapagod na trabaho,” ani Tita Milla habang nilalaro sa tasa ang nangalahati nang coffee. “Hindi ba’t mas enjoy mag-travel at nature tripping ngayong kasama mo ang asawa mo?”

Gano’n na lang kalalim ang buntong-hininga ni Clifford. “Thanks for the idea, Tita Milla, pero kahit nasa’n kami ng asawa ko…” Nilingon niya ako at inilapit ang mukha sa `kin na halos maramdaman ko ang labi niya habang humihinga. Lalo na nang muling nagsalita. “Nag-e-enjoy kami,” dagdag niya. 

Ngumiti si Tita Milla sa paraang halatang natatawa, pinipigilan lang. Hindi ko maiwasang isipin na hindi siya kumbinsido sa palabas namin ni Clifford. Kinakabahan akong tama ang hinala ko.

“How come you two aren’t planning to have a child?”

“Milla, two days pa lang kaming kasal ng asawa ko.” Pikon na agad si Clifford, walang modo sumagot. Tinatawag niya na nga sa pangalan ang tiyahin, kaswal pa masyado ang tono.

Nakangiti, matagal na nagpalitan ng tingin sa `min si Tita Milla saka nagpatuloy. “I still can’t believe it.”

“Alin?” si Tita Cassandra na ang sumagot, noon lang nakasabay sa usapan matapos makipag-usap sa iba pang relatives nilang naro’n. 

“Na ikinasal si Apollo sa iba matapos ang break up nila ni Jayda.” Walang preno ang bibig ni Tita Milla.

“Milla?” nanunuway na tawag ni Tita Cassandra.

Natigilan ang lahat, hindi inaasahan ang gano’ng sinabi ni Tita Milla. Kunyari rin siyang natigilan at inosenteng sinuyod ng tingin ang lahat sa mesa. Palihim akong sumulyap kay Clifford, matagal siyang natulala sa mesa, saka tiim-bagang na bumuntong-hininga.

“Do you really have to mention her?” nagpapasensya, napipikon, sarkastikong ani Clifford saka sinulyapan si Tita Milla. “In front of my wife?”

Nakangiwing nagkibit-balikat si Tita Milla, nang-aasar talaga. “Wala lang naman `yon, besides, kasal na kayo.” 

“Exactly,” ngumiti si Clifford. “Wala na `yon, that’s why there’s no need to talk about it. Don’t mention her again, please.”

“My bad, sorry.” Hindi man lang kinabahan si Tita Milla. Ang totoo, puno ng sarcasm ang ngiti at tingin niya.

“Sorry about that, Marée,” hindi ko akalaing ibubulong ni Clifford. Napasulyap ako sa kaniya at hindi inaasahang mapapatitig kami sa isa’t isa. Sabay kaming nag-iwas.

Panay ang palihim kong sulyap sa kay Tita Milla habang abala siyang nakikipag-usap kina Tita Cassandra at Tito Alexandre.

“Relax,” sinadyang ibulong ni Clifford `yon sa pandinig ko dahilan para bahagya akong umiwas. Nahaplos ko ang gawing `yon ng leeg ko saka nagpatuloy sa pagkain.

“Mahihirapan kang kumain nang hawak mo ang kamay ko,” bulong ko rin.

Hindi ko inaasahang lilingunin ako ni Clifford at ilalapit ang mukha sa `kin. Kahit hindi ko siya lingunin, ramdam ko ang malamig niyang titig sa akin.

“Excuse me.” Tumayo ako nang hindi matagalan ang sandaling `yon.

“Where are you going?” tanong ni Tita Milla.

Napakurap ako. “Sa powder room, tita,” pagdadahilan ko.

“Let me join you.” Tumayo na siya bago pa `ko nakasagot at nakakilos. Wala akong nagawa nang akayin ako ni Tita Milla papunta sa powder room.

Lalo akong nailang nang sumandal sa sink si Tita Milla at magkakrus ang mga brasong tumitig sa akin. Ngumiti ako at tiningnan sa salamin ang sarili. Saka lalong natulala nang makitang velvet lip cream lang ang laman ng purse ko. 

“I like your name, Marée Dominique,” panimula niya. “Sounds sophisticated. Bagay sa `yo, maganda.”

“Thank you, tita,” sinsero akong ngumiti sa takot na mahalata niyang naiilang ako. Kinuha ko ang lip cream at sinimulang mag-apply sa labi ko.

“Please don’t get me wrong, aware ako kung bakit nagpakasal kayo ng nephew ko.”

Nahinto ako sa gitna ng ginagawa ngunit pinigilang lingunin si tita. 

“It’s his way para gumanti sa ex-girlfriend niyang nagpakasal din sa iba nang hindi nakikipag-break sa kaniya. Ang babaw, hindi ba? Ikaw naman ay kabayaran sa na-estafa ng step-father mo kay Apollo. Tama?”Humalakhak si tita matapos sabihin `yon.

Tuluyan na `kong nahinto sa ginagawa, hindi malaman kung paanong sasagot. Paano niya nalaman `yon?

“Don’t worry,” ngumiti siya nang magtama ang paningin namin. “Hindi ko kayo ibibisto. Advice lang, Marée Dominique. Galingan mo pa ang pag-arte mo.” Bahagya siyang tumawa saka ako iniwang mag-isa.

Nanlamig ako sa kinatatayuan at napatitig kung saan. Hindi ko alam kung alin ang dahilan ng kaba ko: ang katotohanang alam niya ang palabas namin o ang malaman ang tunay na dahilan ni Clifford Apollo. Dahil ang totoo, wala akong ideya kung bakit niya ako pinapirma ng kontrata. Basta niya na lang sinabi na kailangan niya ng mapapang-asawa. 

To be continued. . . 

57 thoughts on “CHAPTER ONE: The Act

      1. kaka-excite hahahaha paano ‘to magnonotif kapag may update na? ang ganda kasi ng story kahit nasa chap1 pa lang hshshshshs

  1. Ang ganda ate max! 😍 My panibagong aabangan nanaman ako bukod sa Love without boundaries at M na story mo ate! ♥️♥️

  2. Bat ganuun?? Napakaganda agad ng story, intersting, pero mapanakit agad.. Huhuhu.. Excited na qoh next update..

  3. Unang kabanata pa lang po ate Max may kontra bida na pero naffeel ko na isa na naman to sa inaabangan na story mong maganda ate Maxxx, willing to wait for the next chapter huhu 😩❤️

  4. shizzzzz sobrang straight forward naman ni Tita Milla. Nakaka-inis! di manlang alam ni Maree na may iba pa palang kasunduan, bukod sa nalalaman niya. Can’t wait na tuloy sa update

  5. Kakaumpisa pa Lang Ng story pero sakit na sa dib2..pero very interesting talaga xa ate maxxx.. thank you.. waiting for the next update..❤️❤️❤️😘

    1. This story is so thrilling ateeee. Ang tagal ko nang naghahanap ng ganitong plot. Chapter 1 palang nakaka-excite na AAAAA. You’re stories never fail me ate max, they’re always the best! Kaya lab kita ehh

  6. waah ang gandaa ate Max! Yung mapanaket yung chapter pero sabay na napapahanga ka pa rin sa galing ng pagkakasulat. Always and forever my Hambogest 🙇😘

  7. Habang binabasa ko yung chapter 1, ramdam na ramdam ko na kung bakit “Will you Unmarry Me” title, Ate Max. Tagos eh! 😢

  8. Owemji,mula pa lang sa title…makukuha mo na kung paano tatakbo ang story lalo nang nabasa ko na ‘yong chapter 1😩Awtsi!huh u😭

  9. Intense na nga thrilling pa. So excited for the next update! I feel like something strange about Apollo Clifford. Grabe yung kalamigan niya towards kay Marèe as in talagang tumatagos hanggang saken, ramdam ko yung nakakatakot na tagpo na what if malaman nang iba na nagpapanggap lang talaga sila. How come na baka on3 day yung pagpapanggap nila is doon nila malaman ang lahat ng dahilan kung bat nangyari iyon? As in kakabahan ka sa bawat mangyayari, limited man ang kilos ni Marèe, as in ingat na ingat pa rin sya na di magkamali, sana Clifford na mapahalagahan mo naman kahit papaano si Marèe, hanggat nasa sayo pa, patunayan mo man lang na nagmamalasakit kahit as a friend lang. Ramdam kase namin yung awardness at being uncomfortable to him. I know na sana mas maging maganda pa ang pag arte nyo, nakakatakot na baka one day ano nalang ang magiging reaction nang lahat kapag nalaman na nagpapanggap lang kayo.

  10. Isa na naman itong kaabang abang na story ni ms maxinejiji. Sino kaya sa kanila ni Maree at Clifford ang nagsabi ng “Will You Unmarry Me?”. Grabe kakaexcite lang talaga.

  11. Pano natin malalaman kapag nag uupdate na ng chapter si ate max? Chinecheck nyo lang ba o may nagsasabi sa facebook? Tysm

  12. WHAHHAHHAHAHAHAHAAH!! SO AMAZINGGG STORYYY MISS. BEAUTIFUL AUTHOR! YOUR SUCH A FANTASTIC WRITER! I SALUTE YOU FOR THAT!! STYSAFE AND GODBLESS!!!😇💖

Leave a Comment