PROLOGUE

WILL YOU UNMARRY ME?

Maxine Lat

I CAN’T sleep…

Pabuntong-hininga akong nagmulat. Tumama ang paningin ko sa kurtinang nililipad ng hangin dahil nakabukas ang mga bintana sa kwarto ko. Madilim pa, malamig ang hangin at mabigat pa rin ang pakiramdam ko. Sinulyapan ko ang wall clock, alas-dos na nang madaling araw, hindi pa rin ako nakakatulog nang ayos. Idlip lang ang nagawa ko kahit anong pagod.

Sinuyod ko ng tingin ang magarbo kong kwarto at napabuntong-hininga kung gaano kaganda ang kabuuan ng bahay na `to. Dito na kaya ako mamumuhay habang-buhay? Ni minsan ay hindi ko pinangarap tumira sa ganito kalaking bahay. Lalo na kung ganito rin lang katahimik at kalamig. 

Muli kong sinulyapan ang nililipad na kurtina at naalala ang mukha ni Clifford. Hindi ko maitatanggi na siya ang may pinakagwapong mukha sa kasal namin kahapon, maging sa reception. Iyon na ang pinakamaganda, pinakamagarbo kung hindi perpektong kasal na nasaksihan ko. Ako pa ang bride. Walang papantay sa lakas ng dating niya, halos lahat nga ay hindi naalis ang paningin sa kaniya. Lahat, pinuri at binati siya. 

Samantalang nang ikasal ang mga kaibigan ko, nasa babaeng kinakasal parati ang paningin ko. Naiiyak ako sa saya na nababasa sa mga mata nila. Hindi ko mapigilang mainggit sa t’wing makikita ko ang pagmamahal sa mga kilos ng kanilang mapapang-asawa. Bakit pa nga ba ako nagtataka? Gayong alam ko naman ang dahilan; hindi ako kasingganda ng mga kaibigan kong babae, lalong hindi ako kasingganda no’ng mga napang-asawa ng mga kaibigan kong lalaki. Pero ako ang may pinakagwapong napang-asawa. Hindi lang `yon dahil pinakamayaman din siya. Talaga nga yatang walang papantay sa kaniya.

Height, looks, personality, wealth, attitude, success, fame…lahat na kay Clifford Apollo Litton na. Maging educational and family background niya, maganda. Mabait sa `kin ang parents at mga kapatid niya. Kahit mga kaibigan niya ay boto sa aming dalawa. Hindi ko maiwasang isipin na ako ang sisira sa lahat ng meron siya. 

Matamlay akong bumangon paupo at gulat na napasulyap sa pinto nang makitang bahagya iyong nakabukas. Natatandaan kong sinara ko `yon bago ako nahiga kagabi. Nakaidlip ako pero mababaw lang, hindi ko naramdamang may nagbukas niyon. 

Maliwanag sa labas, gising kaya si Clifford? Tuluyan akong bumangon at nagsuot ng robe, planong ipatay ang ilaw kung naiwan ko mang bukas `yon. Maagang pumasok si Clifford sa kwarto niya kagabi kaya posibleng ako ang nakalimot magpatay ng ilaw sa living room.

Naestatwa ako sa hallway nang mula sa study room ay lumabas si Clifford at sumulyap sa `kin. Tiningnan niya ang suot na wrist watch saka muling tumingin sa `kin.

“Bakit gising ka pa?” kaswal lang niyang tanong. Suot niya ang maroon paired pants at robe na tulad sa akin. Regalo ng pinsan niya `yon sa `min. 

Gusto ko siyang tanungin pabalik pero wala akong lakas ng loob. Bukod sa sigurado akong nagtrabaho siya hanggang sa oras na `yon. Iniyakap ko ang parehong braso sa sarili saka bumuntong-hininga. 

“Nagising lang ako.”

Inalis niya ang tingin sa `kin. “Go to sleep. We’ll have breakfast outside with my family tomorrow, we can’t be late.” Isinara niya ang pinto ng study at nagtungo sa living room.

Gusto kong umatras para bumalik na sa kwarto. Pero gusto ko ring kumuha ng water na maiinom. May personal ref sa kwarto ko, pero malamig lahat ng water doon. Kabado man, tumuloy ako sa kitchen at hindi inaasahang makikita rin siya doon.

Mula sa sink, sumulyap uli siya sa gawi ko. Nag-alinlangan akong lumapit, nasa tabi niya ang glass rack at water pitcher. Bahagya akong tumalikod sa gawi niya at planong hintayin na lang siya matapos.

“What do you want?” malamig niyang tanong dahilan para mapasulyap uli ako. Tinutuyo niya ang kamay gamit ang towel habang nakatingin sa `kin.

Umawang ang labi ko at napabuntong-hininga. “I’m going to drink water.”

Sandali siyang tumitig sa `kin, lalo akong nanlamig. Hindi matapos-tapos ang kaba ko, kahit anong distansya pa ang layo namin sa isa’t isa. 

“You have water in your room.”

“Ayoko ng malamig,” pakiramdam ko, pahina nang pahina ang boses ko dahil sa takot at hiya sa kaniya.

Lalong lumamig ang tingin niya sa `kin. Pero hindi ko inaasahang babaling siya sa pitcher at ipagsasalin ako. 

“Here.” Inilapag niya sa kitchen island ang baso at iniwan ako.

Doon lang ako nakahinga nang maluwang. Bahagya akong sumulyap sa pinanggalingan niya saka lumapit sa glass of water.

Asawa ko na siya simula kahapon, legal at sagrado. Pareho kaming hindi masaya at napilitan. Ni hindi namin lubos na kilala ang isa’t isa. Paano namin `to matatagalan? Para kaming kumuha ng lubid na ipansasakal sa leeg namin habang-buhay. Pero ano pa nga ba ang magagawa namin?

May isang buwan na ang nakalipas nang ipagkasundo kami ng pamilya namin. Kasabay no’n ay nagtayo siya ng malaking pader sa aming pagitan. Kahit hindi niya sabihin, alam ko kung hanggang saan lang ako bilang asawa niya. Kahit hindi ko siya sabihan, siya mismo ang naglalagay ng hangganan niya bilang asawa ko. 

Bago kami ikasal kahapon, dinetalye niya ang lahat ng ayaw niya. Pero wala siyang binanggit ni isa sa kaniyang mga gusto. Iilan lang ang house rules na sinabi niya pero wala akong natandaan sa mga `yon. Dahil sa t’wing kaharap ko siya, kaba ang pumupuno sa pandinig ko. Hindi ko siya matingnan dahil ang tanging nakikita ko ay sarili kong takot. Ang hirap huminga, mas mahirap makisama. Maski ang kwarto na binigay niya sa `kin ay sinasakal ako. Paano ako tatagal sa bahay na ito bilang asawa ng lalaking ito?

To be continued. . . 


57 thoughts on “PROLOGUE

    1. Haysst ang cold nung asawa. Sana kahit mukhang sad ang ending dahil sa title. Sana maging sila. Napilitan si girl pero meron na siyang feelings. Ate Max you’re the best writer. Yung tipong kahit na parang common na tong story binibigyan mo ng bagong pakiramdam at mas maganda basahin. I’m an aspiring author and I know how hard to construct a story lalo na kung writer’s block.

  1. Kinakabahan na po me… Hahaha sana po hindi tragic… Hahaha natrauma na po ako dun…

  2. Thank you po Ate Maxxx!! ^_^💙❤️^_^ Kinakabahan na po me sa next chapter… Hahaha sana po hindi tragic… Hahaha natrauma na po ako dun…

  3. May mga nabasa na akong fixed marriage, pero dahil si ate max ang susulat we all know that this is gonna be unpredictable and makes our hearts— (u know what I mean) in her own way. Hmm may bagong Maxinejiji boy…

  4. Mapanakit naman . 😢 Sad ako para sayi ate ghorl pero laban lang . Pasasaan din , maiinlab din sayo yan . 😁

  5. Prologue palang ang sakit na 😭 Pero for sure napakagandang story na naman nito 😍🥰

  6. Hindi pa natatapos ung love with out fear, love with out boundaries at project m may panibago na naman🤦🤦🤦

Leave a Comment